Halftime

[Originally posted as a Facebook note on July 1, 2014]
-----------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Nakuha ko ang poster na ito sa isang advertisement sa diyaryo ng isang commercial district na ipinagmamalaki ang mga natamasa nilang pag-unlad sa loob ng isang taon. Nakadikit ngayon yan sa dingding ng kwarto namin ng kapatid ko, at sa tuwing makikita ko ito, naiisip kong totoo nga namang maraming pwedeng mangyari sa tatlong daan at animnapu’t limang araw. Pwede kang gumradweyt ng college o magkaroon ng una mong trabaho. Pwede mong makilala ang taong makakasama mo habambuhay. Pwede kang manalo sa lotto, pwede kang malublob sa utang. Pwede kang mabuntis at manganak, o makabuntis at magka-anak. Pwede mong makilala ang Diyos, o pwede mo siyang talikuran.

Sa madaling salita, oo, marami ngang posibleng mangyari.

Sabi nila, ang mga ginawa mo raw sa unang araw ng bagong taon ang magtatakda ng magiging takbo ng buong taon mo. Eh pa’no yun, ibig sabihin ba parati na lang tayong lagpas hatinggabi matutulog (parang ngayon) matapos kumain ng sangkatutak na hamon at bilog na prutas? Malamang hindi. Pero oo kapag bagong taon, marami tayong pangarap at hiling, mga bagay na gusto nating simulan, mga bagay na gusto nating baguhin. Hindi lahat yun ay matutupad. Sa totoo lang, marami sa mga naisip nating sana mangyari ngayong taon ay iba ang kinalalabasan sa inaasahan natin. O kaya yung mga bagay na 'di natin akalaing darating ang siyang bubulaga sa atin. Pwedeng mabuting bagay, pwedeng masama. Maraming posibleng mangyari.

Pero hindi ibig sabihin nun na eh di ‘wag na tayong mangarap, ‘wag na tayong umasa sa kahit ano at hayaan na lang na anurin tayo ng agos ng buhay. Dapat may vision ka pa rin para sa sarili mo. Kumbaga sa basketbol (oo, alam kong panahon ng FIFA World Cup ngayon, pero..), dapat may game plan ka. At parang din sa basketbol, hindi mo alam kung paano eksakto ang magiging strategy ng kalaban, kaya dapat marunong kang mag-adjust ng laro. At kaya rin may timeout, dahil hindi dapat sugod lang nang sugod. Kailangan din ng pahinga, at ng panahon para i-evaluate ang lagay ng laro at baguhin ang atake kung kinakailangan.

At sa basketbol at iba pang sports, mahalaga ang halftime. Una, kasi kung sa laban ng UP sa UAAP, dito mo mapapanood ang paboritong cheerdance team ng bayan, ang UP Pep Squad. Haha. Pangalawa, sa halftime talagang masusing ine-evaluate ang status ng laro, ang statistics ng bawat koponan, at ang analysis ng galaw ng bawat player. Dito mo makikita kung saan maganda ang banat, at kung saan din may pagkukulang. Pangatlo, kasi dito pwedeng mabaligtad ang lahat ng iyon.

Halimbawa na lamang ang UP MBT noong nakaraang season ng UAAP [Season 76], parating ang laki ng lamang sa kalaban sa first half (kaya ang saya lalo manood ng halftime performance ng UP Pep), tambak kung tambak kaya feel na feel mo na ang pagkapanalo. Pero pagkatapos ng halftime ay parang nakakampante masyado, o nauubusan na ng lakas kaya sa huli, talo pa rin.

Yun kasi yun eh. Maraming posibleng mangyari. Madaling magsimula, pero ang totoong challenge ay pangatawanan yun hanggang sa dulo. O kaya kung hindi man naging maganda ang umpisa, ‘wag kang mawalan ng lakas kasi pwede mo pa ring habulin ang tambak.

Pero syempre hindi mo yun magagawa nang mag-isa. Meron kang teammates, meron kang pep squad para sumuporta sa iyo.

Pero higit sa lahat, meron kang Coach na siya’ng dapat mong maging gabay sa laban mo. At kahit anong mangyari, manalo man o matalo, alam mong nandiyan pa rin Siya para patuloy kang gabayan sa mga susunod mo pang mga laban.

Second half na. Game ka na ba?

Comments

Popular Posts